NAILATAG na ang mga batayan sa pag-atras ni Congressman Manny Pacquiao sa kanyang laban kay Timothy Bradley na gaganapin sana sa Las Vegas, sa Abril 9. Paglabag umano kasi ito sa Fair Election Act. Kapag ipinalabas sa bansa ang kanyang laban, lalamang siya sa mga ibang kandidato sa pagpapalaganap ng kanilang kandidatura. Eh, kandidato siya ng UNA sa pagkasenador. Kaya nga pinagbabawalan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidatong artista na gumawa ng pelikula sa panahon ng kampanya.
Ang nangyayaring ito ay iyong sinasabing “face saving” para kay Pacquiao na dapat niyang ipagpasalamat. Ang nakikita ko kasing problema ay iyong interpretasyon niya ukol sa same-sex marriage na nag-viral sa social media. Hindi problema iyong kanyang paninindigan na tutol siya sa nasabing paksa. Ang malaking problema na mas malaki pa kaysa pananagutan niya sa Comelec ay iyong sabihin niyang masahol pa sa hayop ang mga nagpapakasal na pareho ang kasarian.
Hindi lang malaki kundi maimpluensiya pa ang grupong nasagasaan niya. Dito lang sa atin ay marami na ang LGBT (lesbian, gay, bisexual at transgender) na nakakalat sa mga maimpluwensiyang posisyon tulad ng media. Eh, ang sikat na grupo ng mga ito na Ladlad ay sumumpang mangangampanya laban kay Pacquiao. Paano, iyong mga LGBT sa mga ibang bansa? Sa Amerika kung saan hindi lang sila marami kundi may mga nagpakasal na dahil legal na ang same-sex marriage sa kanilang lugar. Sa palagay kaya ninyo hindi puputaktehin si Pacquiao bilang protesta sa pagtrato niya sa mga ito?
Sila ay masyadong nasaktan dahil nagsasama na sila. Baka sa tutuluyan pa lang niya sa Los Angeles o Las Vegas bago ang kanyang laban ay salubungin na siya mga ito ng protesta.
Pero, nagpupumilit pa rin si Pacquiao na ituloy ang laban gayong nauna rito ay sinabi na niya na bukas siya na ipagpaliban ito kung may malalabag na batas sa halalan. Ang laban daw niya ay para naman sa bayan. Gasgas na linya na ito. Ang totoo ay iyong piliin niya uli si Bradley ang makalaban niya at itaon ito isang buwan bago maghalalan ay higit ito para sa kanyang kandidatura kaysa bayan. Kaya niya si Bradley kesa mga ibang nakalinyang humamon sa kanya.
Nakita na ito sa kanilang dalawang laban kahit natalo siya noong una. (RIC VALMONTE)