Pinayuhan ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes ang world boxing champ at senatorial aspirant na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na ipagpaliban na lang nito ang laban sa American boxer na si Timothy Bradley sa Abril 9, upang makaiwas sa ano mang legal na balakid sa kandidatura nito.

“As professional boxing is his main profession, to allow him to exercise his profession during the campaign period would give him added exposure, which is disallowed in respect to movie actors and actresses, TV and radio broadcasters and other national celebrities. Pacquiao is not only a nationwide, but a worldwide personality,” pahayag ni Brillantes sa kanyang Twitter account na @ChairBrillantes.

Sa usapin ng pay-per-view, naniniwala si Brillantes na ito ay magsisilbing dagdag-kita para kay Pacquiao at magkakaroon din ito ng additional exposure na maaaring lumagpas sa itinakdang political airtime para sa mga kandidato sa pagkasenador.

Sinabi ni Brillantes na malaki ang maitutulong ng Pacquiao-Bradley fight sa kandidatura ng kongresista dahil itinakda ito sa Abril 9, ang unang araw ng overseas absentee voting (OAV).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga lalabag sa Omnibus Election Law ay posibleng patawan ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong, tatanggalan ng karapatang bumoto, at habambuhay na ididikuwalipika sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.

Una nang hiniling ni dating Senador Rene Saguisag sa Comelec na abisuhan si Pacquiao na ipagpaliban ang laban kay Bradley sa Las Vegas, Nevada sa Abril 9 dahil sa posibilidad na ito ay labag sa campaign rules.

(Leslie Ann G. Aquino)