Sa mismong kinauupuan bumagsak ang duguang obrero matapos siyang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng hindi nakilalang suspek, habang naglalaro siya ng DOTA sa Malabon City, nitong Linggo ng tanghali.

Dead on the spot si Marlon Macapugas, 27, binata, ng Phase 2, Gozon Compound, Barangay Letre, dahil sa tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay PO3 Rommel Habig, ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon Police, dakong 12:30 ng tanghali at naglalaro ng DOTA sa isang Internet café si Macapugas, malapit sa kanilang bahay.

Biglang dumating ang hindi kilalang suspek na naka-jacket at nakasuot ng sombrero, lumapit sa biktima at pinagbabaril ito.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Na-shock ang iba pang nasa computer shop at nagsiyuko na lang upang hindi pagbalingan ng killer.

Ayon sa mga kaanak ni Macapugas, may nagbabanta umano sa buhay nito, sinabing papatayin ang binata kapag nagbalik sa kanilang lugar.

Nabatid na may mga kagalit ang biktima at pansamantala itong lumisan sa kanilang barangay at nagbakasyon sa probinsiya. (Orly L. Barcala)