Isang trainee ng Philippine sailing team ang namatay matapos malunod sa Manila Bay, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Clarence Sanchez, na may kasama ring dalawang menor de edad, at kanilang coach na si Felipe Mosquera nang malunod ito dakong 3:00 ng hapon nitong Linggo.

Base sa salaysay ng kaibigan ng biktima na nakilala lamang bilang “Jeremy”, inabisuhan sila ni Mosquera na sumunod sa isang lugar sa Manila Bay sa Baseco Compound, at doon sila lalangoy.

At habang lumalangoy, napansin ni Jeremy na nagpupumiglas si Sanchez na makakuha ng hangin habang nakalubog sa tubig.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Lumitaw sa imbestigasyon na pinagtulungan ng tatlong kasamahan ng biktima na sagipin si Sanchez subalit wala na itong pulso nang madala sa baybayin.

Matindi ang galit ng ina ni Sanchez na si Annali Sanchez nang malaman ang nangyari sa anak, mahigit tatlong oras matapos ang insidente.

“Bakit hindi nila agad sinabi sa amin? Parang pinagtatakpan pa nila kung ano ang tunay na nangyari,” umiiyak na himutok ni Annali.

Ayon sa ina ng biktima, tinangka pa umano siyang suhulan ni Mosquera ng P40,000 upang hindi magreklamo sa pulisya hinggil sa insidente. (Argyll Cyrus B. Geducos)