Pinaghahanap na ng pulisya ang isang lalaki na tumangay sa P250,000 cash at ari-arian ng isang nagpakilalang manager ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, ang biktima na si Mark Anthony Valbuena, 33, residente ng Richmond Subdivision, Manuyo II, Las Piñas City.

Tinukoy naman ni Valbuena ang suspek na si Jake Dizon, ng No. 39 Ilang-Ilang Street, De Castro, Pasig City.

Lumitaw sa imbestigasyon na naghahapunan si Valbuena at ang pamilya nito sa Padi’s Point Resto Bar sa SM Bay Seaside Boulevard sa Pasay City nang mangyari ang insidente dakong 6:20 ng hapon nitong Linggo.

Quiboloy, nag-bible study habang nasa detention center

Laking gulat ng biktima nang mapansin niyang nawawala na ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng P94,000 cash;

3,000 Singaporean dollar (P101,238.96); isang Apple iPad na nagkakahalaga ng P29,000; Samsung tablet na nagkakahalaga ng P18,000; at susi ng kanilang bahay.

At nang silipin nila ang closed circuit television (CCTV) footage ng Padi’s Point ay kitang-kita na si Dizon ang tumangay sa bag ng biktima, ayon sa pulisya.

Nakikipag-ugnayan na ang Pasay City Police Station-Investigation and Detective Management Branch sa Pasay City Police sa pagdakip kay Dizon, na kinasuhan ng theft sa Pasay City Prosecutor’s Office. (Martin A. Sadongdong)