Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga driver na pumuputol sa kanilang biyahe, na mahaharap sila sa multa at iba pang parusa.
Ito ang binigyang diin ni LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton matapos anim na bus ang inireklamo ng trip-cutting o pagpuputol sa kanilang biyahe at hindi pagsunod sa rutang nakasaad sa kanilang prangkisa.
“Ang pagputol ng biyahe ay parang pagnanakaw sa mga pasahero,” wika ni Inton, binanggit na nagbabayad nang buo ang mga pasahero ngunit hindi inihahatid sa kanilang destinasyon.
Bukod sa multang P5,000, nanganganib ding tanggalan ng prangkisa ang mga public utility vehicle (PUV) na pumuputol sa kanilang biyahe.
“This is a violation of franchise regulations,” dagdag ni Inton.
Hinihikayat ng Board ang publiko na isumbong ang mga driver na pumuputol sa biyahe. (PNA)