Dinampot ng Pasay City Police ang isang aktor matapos akusahan ng pambubugbog sa isang 26-anyos na property consultant na sinasabing nagkakalat ng tsismis sa lungsod, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang aktor na si John Ervic Vijandre, 30, ng Manuel L Quezon Street, Bagumbayan ,Taguig City.

Unang dinala sa Pasay City General Hospital subalit kalaunan ay inilipat sa San Juan De Dios Hospital si Genesis Aniag, ng Moonwalk, Parañaque City, dahil sa pamamaga ng mukha at halos magsara ang mga mata nito, bukod pa sa mga pasa sa katawan.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Giovanni Arcinue, dakong 1:40 ng umaga nang gulpihin ng aktor si Aniag sa harap ng Mang Inasal Restaurant sa Salem Complex.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nag-iinuman ang biktima at kaibigan nito sa Uno Bistro Restobar sa Salem Complex nang makatanggap ng tawag mula sa isang “Diana Torres” na nagsabing magkita sila sa naturang fast food chain.

Ngunit nang magtungo sa Mang Inasal ay hindi nakita ni Aniag si Torres, hanggang sa makasalubong niya si Vijandre at bigla na lang umano siyang pinagsusuntok.

Nagtangka pang tumakas, inamin ni Vijandre sa imbestigador na paninira ni Aniag kay Torres ang dahilan kaya ginulpi niya ito. (Bella Gamotea)