TAYABAS, Quezon – Tahasang inakusahan ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay ang isang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino na nasa likod umano ng “vote buying” sa mga lalawigan gamit ang pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

“Well, nangyayari na ‘yan. Basta ang involved ay isang Cabinet secretary,” pahayag ni Binay sa isang panayam.

Bagamat hindi pinangalanan ni Binay ang Cabinet secretary, batid ng marami na ang pamamahagi ng benepisyo mula sa 4P ay pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na pinamumunuan ni Secretary Dinky Soliman.

Sa kanyang pangangampanya sa Candelaria, nagbabala ang bise presidente sa umano’y plano ng Liberal Party (LP) na manipulahin ang resulta ng eleksiyon sa Mayo 9.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Ang sabi nga ngayon, ang isang sekretaryo ng pamahalaang ito, nagpunta sa Laguna at ang sabi ‘Hoy, kumuha kayo ng mga watcher, kami ang magbabayad, kukunin namin dun sa 4Ps’,” pahayag ni Binay.

Nang tanungin ng media kung aabot ang sinasabing iregularidad sa ibang bahagi ng bansa, sinabi ng 73-anyos na opisyal: “’Yan ang dapat n’yong alamin.”

“In your own sweet time tanungin lang ninyo...basta ginagawa nila ‘yun,” dagdag ni Binay.

Ito ang unang kontrobersiya na direktang iniuugnay ni Binay ang partido ng administrasyon sa paggamit ng pondo ng bayan sa umano’y dayaan sa May 9 elections.

“Bubuhos ang pera ngayong eleksiyon,” babala ni Binay. (ELLSON QUISMORIO)