Idineklara ng Supreme Court (SC) na pinal at bahagi na ng batas ng Pilipinas ang desisyon nito na ang isang kandidato na itinakwil ang kanyang American citizenship, binawi ang kanyang Filipino citizenship, at nanumpa ng katapatan sa gobyerno ng Pilipinas, ngunit pagkatapos nito at patuloy na ginagamit ang kanyang American passport sa mga biyahe sa ibang bansa ay “disqualified” o hindi maaaring tumakbo sa puwesto sa gobyerno.
Sa resolusyon na inilabas nitong unang bahagi ng buwan, iniutos ng SC ang “entry of judgment” sa kaso ni Rommel C. Arnado na diniskuwalipika ng Mataas na Korte bilang mayoralty candidate para sa Kauswagan, Lanao del Norte, noong halalan 2010 t 2013.
Ang entry of judgment ay ginagawang final and executory ang isang desisyon at itinuturing na itong batas ng bansa.
Ang desisyon noong 2013 laban kay Arnado ay isinulat ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno. Ang desisyon ng SC noong 2015 na muling idiniin ang nauna nitong desisyon ay isinulat ni Justice Mariano C. del Castillo.
“Only natural-born Filipinos who owe total and undivided allegiance to the Republic of the Philippines could run for and hold elective public office,” deklara ng SC.
Sinabi ng mga legal quarter na ang mga katotohanan sa kaso ni Arnado ay pareho sa disqualification cases ni Sen. Grace Poe, partikular na sa paggamit ng US passport matapos muling matanggap ang kanyang Philippine citizenship at manumpa ng katapatan sa gobyerno ng Pilipinas.
Nakasaad sa data mula sa memorandum ng Commission on Elections (Comelec) na isinumite sa SC nitong Lunes na bumalik si Senator Poe sa Pilipinas noong Mayo 24, 2005 at nanumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas noong Hulyo 7, 2006.
Matapos dinggin ang mga kasong diskuwalipikasyon na isinampa laban sa lady senator at batay sa mga iprinisintang ebidensiya, napatunayan ng Comelec na si Poe “travelled and use her US passport on July 26, 2006; Sept. 11, 2006; Nov. 1, 2006; July 20, 2007; July 23, 2007; Oct. 31, 2007; Oct. 5, 2008; Aprul 20, 2009; May 21, 2009; July 31, 2009; Aug. 3, 2009; Nov. 15, 2009; and Dec. 27, 2009.”
“Evidence showed that she (Poe) renounced her American citizenship only on 20 October 2010, more than four years after her repatriation. Between repatriation and renunciation of her American citizenship, she continued to enjoy the privileges of being an American notably through the use of her US passport,” sabi ng Comelec sa SC.
(REY G. PANALIGAN)