SA pagpapatuloy ng ating talakayan noong nakaraang linggo, mahalagang tuparin ng mga kandidato sa pagkapangulo ang mga sumusunod:

1) Ideklara bilang “National Security Threat” (Pambansang peligro at suliranin) ang lumalalang problema ng droga at kalakalan nito. Sa unang anim na buwan ay may mahuhuling “nagluluto” ng shabu –kahit dayuhan— at dapat itong tutukan ng Palasyo at mapatawan ng death penalty;

2) Hustisya para sa Maguindanao Massacre at SAF 44 at dapat mapanagot ang mga may kinalaman dito;

3) Mga opisyales ng DAR at iba pa na namihasa at umabuso sa Lupang Pang-agraryo ay dapat kasuhan at ipakulong;

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

4) Pagtanggal ng “pork barrel system”, “lump sum” at DAP sa sistema ng gobyerno;

5) Pagsama-samahin ang ilang kagawaran para lumiit ang burukrasya at gastusin ng bayan, lilimitahan ang bilang ng undersecretary;

6) Bubuksan ang merkado para sa karagdagang Telecom company upang gumanda ang serbisyo at bumaba ang presyo, at pati gobyerno ay magkakaroon ng sariling telecom para sa text, tawag, wi-fi, at Internet para sa mas mabilis na komunikasyon;

7) Magkasundo sa panukalang batas na ang mga paradahan sa lahat ng mall, basta may resibo ay libre;

8) Batas sa Oil De-regulation, kasama ang EPIRA, ay pabubuksan upang lagyan ng pangil kontra sabwatan at patalong probisyon kaakibat ang pag-alis ng “sovereign guarantees”;

9) Usaping pangkapayapaan sa komunista ay dapat buksan basta ang kaharap ay mismong CPP;

10) Alisin ang Malaysia bilang taga-pamagitan sa “peace process” sa Katimugang Mindanao. Ipalit ang Indonesia o Thailand;

11) Imbes na BBL, tutukan ang isang bagong batas sa ARMM ang isulong;

12) Ideklarang “Economic Sabotage” ang malakihang “smuggling” ng bigas, asukal at iba pa. Itaas ang parusa sa pagkakakulong at piyansa;

13) Isulong ang polisiya na ang edukasyon ang puhunan ng bayan, hindi negosyo upang hanapan ng solusyon ang tumataas na matrikula;

14) Tutukan ang kaso ng Torre de Manila upang manaig ang katarungan at paggalang sa kasaysayan;

15) Bumili ng Planta ng Plastic Recycling na nagkakahalaga ng $80M;

16) Programa para palakasin ang sektor ng agrikultura at pangingisda;

17) Amnestiya “Pera sa Abroad Ibalik” at iba pa. (ERIK ESPINA)