ATLANTA (AP) – Tuluyang nakamit ng Golden State Warriors ang kasaysayan bilang pinakamatikas at pinakamabilis na koponan sa NBA na nakatipon ng 50 panalo sa isang season, sa pamamagitan ng dominanteng 102-92, panalo kontra sa Atlanta Hawks nitong Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Kumana si Stephen Curry ng 36 na puntos para sandigan ang Warriors sa panalo at 50-5 marka ngayong season.
Nalagpasan ng Golden State Warriors ang marka ng Chicago Bulls (50-6) noong 1995-96 season.
Lumapit ang Golden State sa posibilidad na mapantayan hindi man malagpasan ang 72-10 marka na nagawa ng grupo ni Michael Jordan sa pamamayagpag ng Bulls.
RAPTORS 122, KNICKS 95
Sa New York, naitala ni Kyle Lowry ang unang triple-double -- 22 puntos, 11 rebound at 11 assist – ngayong season, habang kumana si DeMar DeRozan sa naiskor na 22 puntos sa panalo ng Toronto Raptors kontra Knicks.
Nag-ambag si Jonas Valanciunas ng 20 puntos para sa Raptors.
Nanguna si Carmelo Anthony sa Knicks sa nakubrang 23 puntos at 11 rebound, habang tumipa si Robin Lopez ng 21 puntos at 13 board.
PISTONS 96, CAVS 88
Sa Cleveland, pinatibay ng Detroit Pistons, sa pangunguna ni Reggie Jackson na umiskor ng 23 puntos, ang dominasyon sa Cavaliers ngayong season.
Hataw din si Kentavious Caldwell-Pope sa naiskor na 19 na puntos para tuldukan ang five-game losing skid at itarak ang ikalawang panalo sa Cavs sa season.
"It had been a long time since we got a win — coming up on three weeks — so we definitely needed it," sambit ni Pistons coach Stan Van Gundy.
Nag-ambag si Andre Drummond ng 15 rebound para sa Pistons.
Nasayang ang naitarak na 30 puntos ni Kyrie Irving, habang kumana si Kevin Love ng 24 na puntos para sa Cleveland. Nalimitahan si LeBron James sa 12 puntos.
HEAT 101, PACERS 93 (OT)
Sa Miami, hindi alintana ng Heat ang pagkawala ni star forward Chris Bosh para gapiin ang mga karibal, kabilang na ang Indiana Pacers.
Kumana si Goran Dragic ng 24 na puntos at tumipa si Hassan Whiteside ng 19 na puntos at 18 rebound para sandigan ang Heat sa pagluto ng ikatlong sunod na panalo.
Nag-ambag si Dwyane Wade ng 16 na puntos at tumipa si Justise Winslow ng 15 puntos.
Nanguna si Paul George sa Pacers sa nahugot na 31 puntos at 11 rebound.