MIGZ AT MAYA copy

HINDI pa rin nagsi-sink in kina Migz Haleco at Maya na contract recording artists na sila sa Star Music.

Hindi nila inaasahan na sa lahat ng recording label ay ito pa ang magpapakita ng interes sa kanila.

“Nagulat lang ako kasi nga ang laki ng Star Music at hindi ko rin in-expect na dito kami mapupunta, kasi dati ang alam ko lang magkakaroon ako ng independent album na self-produced ‘tapos heto nga, parang ang bilis ng nangyari,” bungad ni Migz nang makatsikahan namin sa Stockpile Restaurant sa Ortigas Center.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Nabibilisan si Migz sa nangyayari ngayon sa singing career nila ni Maya. Kamakailan lang sila ini-launch, sumabak sa kaliwa’t kanang gigs at corporate shows ‘tapos ngayon recording na agad.

“Sobrang overwhelming talaga, lalo na nu’ng binanggit sa amin na baka mag-guest kami sa ASAP for promo, eh, isa ‘yun talaga sa pangarap ko -- makapag-perform sa ASAP,” pag-amin ni Migz.

Pinapangarap din ni Migz na makasamang mag-perform si Bamboo.

“Dati kasi gusto ko sina Kitchie Nadal o Barbie Almalbis, eh, nu’ng birthday concert ko, sinurprise ako ng management ko na nandoon sila, tumugtog sila. So, kung baga nangyari na ‘yung pangarap ko, so si Bamboo ang gusto kong maka-collaborate at saka si Yeng (Constaninto) rin,” sabi ni Migz.

Excited si Migz na may mabibitbit na silang sariling album, na may sarili pa siyang komposisyon, hindi kagaya dati na pawang covers lang ang kinakanta nila sa shows.

Nagkabiruan sina Migz at Maya na baka raw ma-starstruck sila sa mga singer ng ASAP.

“Oo, baka hindi na kami makapag-perform kasi nakakahiya. Baka isipin nila (ASAP singers), ‘sino ‘tong dalawang ‘to,” tumatawang sabi ng dalawa.

Kailang pagbutihin nila lalo’t walang acoustic singer ngayon sa Star Music.

“Sabi nga po sa Star Music na tiyempo ang pagpasok namin kasi nga wala raw acoustic singers ngayon, dati meron, eh, nawala na ‘yung iba. Kaya excited po talaga kami.”

Hindi itinanggi ni Maya na nangangarap din siyang kumanta ng theme song ng teleserye ng ABS-CBN na napakalaking exposure dahil paulit-ulit na napapakinggan gabi-gabi.

May pangarap ba silang pasukin ang pag-arte?

“Ay, wala po, mahiyain ako,” mabilis na sabi ni Migz. At si Maya, “Wala eh.”

Samantala, exclusively dating pala sina Maya at Geoff Eigenmann na ayaw pa sanang ipaalam ng dalaga dahil bawal yata sa mga alaga ni Perry Lansigan na unahin ang lovelife lalo’t nagsisimula pa lang sila.

Nagtaka kami kung bakit si Geoff ang nakaka-date ni Maya at hindi si Migz na matagal nang inirereto sa kanya.

“Kapatid lang tingin ko sa kanya (Migz), wala talaga, magkaibigan. Kami ni Geoff, recently lang, hindi pa kami, kinikilala ko pa lang, marami pa akong hindi alam sa kanya,” katwiran ni Maya.

“Ate ko lang po siya talaga, wala kaming ganu’n,” kaswal na sabi naman ni Migz.

Boto si Migz kay Geoff para kay Maya.

Sa ngayon ay ang debut album ang pinagtutuunan ng panahon nina Migz at Maya at looking forward sila sa launching at sa mga mall show nila. (Reggee Bonoan)