Sa nakatakdang pagdating ng mga bagong barko, posibleng pahihingain na ng Philippine Navy (PN) ang mga barko nitong ginagamit simula pa noong World War II.
Ito ang inihayag ni PN public affairs office chief Capt. Lued Lincuna sa isang panayam.
Magsisimula ang decommissioning ng mga lumang barko kapag nagsimula nang dumating ang mga bagong barko, gaya ng dalawang strategic sealift vessel, dalawang missile-armed frigate, at tatlong missile-equipped multi-purpose assault craft kasama na ang decommissioned Hamilton-class cutter na USCGC Boutswell at R/V Melville, na ipinangako ni US President Barack Obama sa Pilipinas at ang Pohang-class corvette na ibinigay ng South Korea.
Inaasahang ide-deliver ngayong Mayo ang unang strategic sealift vessel habang ang USCGC Boutswell ay inaasahang ililipat sa huling bahagi ng 2016.
Kabilang sa mga barko noong World War II na nasa serbisyo pa rin ng Philippine Navy ang BRP Rajah Humabon, BRP Rizal, BRP Malvar, BRP Quezon at BRP Laguna at iba pa. (PNA)