Naisalba ng Meralco Bolts ang dikitang laban kontra sa bagitong Phoenix Fuel Masters, 90-87, kahapon para manatiling walang gurlis sa OPPO-PBA Commissioner’s Cup elimination sa Araneta Coliseum.
Naisalpak ni Jared Dillinger ang three-pointer may 45.5 segundo sa laro para maibigay ang 89-86 bentahe sa Bolts at kinasihan ng suwerte ang Meralco sa magkasunod na turnover ng Fuel Masters para makopo ang ikaapat na sunod na panalo.
May pagkakataon ang Phoenix na maihatid ang laro sa overtime matapos sumablay ang dalawang free throw ni Anjo Caram may 11.6 segundo ang nalalabi, ngunit sumablay ang pagtatangka ng Fuel Masters.
Kaagad na na-foul ng Phoenix si Chris Newsome na naisalpak lamang ang isang free throw para mapanatiling bukas ang tsansa ng Fuel Masters 87-90 may 4.2 segundo sa laro.
Subalit ang lahat ng pag-asa ng Phoenix ay naglaho sa isa pang turnover bunga ng maling play ng Fuel Masters.
Nakakuha ng atensiyon ang Phoenix, binubuo ng karamihan sa mga player ng dating Red Bull na nabili ng Fuel Masters, na maipanalo ang unang laro laban sa NLEX, 118-106, nitong Miyerkules.