Ni NICK GIONGCO

Naging viral na sa Internet ang full television interview ng world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao, na umani ng batikos sa pagpapakawala ng kontrobersiyal na pahayag laban sa LGBT (lesbian, gay, bisexual, and transgender) community.

Ayon sa mga netizen, lumitaw sa full TV interview ni Pacquiao na wala itong intensiyon na insultuhin ang LGBT community sa kanyang naging pahayag sa isyu ng same sex marriage.

Ang unang bersiyon ng panayam ay ini-ere ng TV5 network na ikinagalit ng mga miyembro ng “third sex”, hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito ang naging dahilan upang itigil ng sports apparel giant na Nike ang sponsorship contract nito sa boxing icon.

Subalit napag-alaman ng mga netizen sa unedited version ng TV interview na naitsapuwera ang ibang mahahalagang bahagi ng pahayag ng kongresista kaya iba ang naging interpretasyon ng LGBT community sa kanyang pananaw.

“Pero, I am not condemning them. ‘Yung marriage lang, ‘yung committing sin against God,” pahayag ni Pacquiao, isang Born-Again Christian, sa TV interview na naging viral ngayon sa Internet.

Kasabay ng pagiging kontrobersiyal ng isyu, humingi naman ng paumanhin si Pacquiao sa LGBT community subalit nanindigan siyang hindi niya susuportahan ang mga hakbang na gawing legal ang same sex marriage.

Ang pagkalat sa Internet ng full TV interview ang isa sa mga dahilan ng paghupa ng isyu, ayon sa mga netizen.