ButuanCity– Nakapanghihinayang ang nawalang tsansa ng Pinoy cyclist na makapadyak sa 2016 Rio De Janeiro Olympics matapos kapusin ng 14 na puntos sa kailangang Olympic Qualifying Points.
Ito ang napag-alaman kay Moe Chulani, manager ng national cycling team, sa pagtatapos sa itinakdang panahon para sa lahat ng siklista sa buong mundo na makapag-ipon ng kani-kanilang puntos para mapataas ang kanilang rankings sa Union Cycliste International (UCI).
“We fell short by 14 points to qualify at least two riders in the road race in the Olympics,” sabi ni Chulani. “It needs only a podium finish but we failed to attain our goal.”
Matatandaang may dalawang opsiyon ang tsansa ng Pilipinas na makatuntong sa Olympics sa pamamagitan ng pagtipon ng individual Olympic qualifying points, gayundin sa overall standing ng national ranking para sa lahat ng mga miyembro nitong bansa.
Kasalukuyan pang hinihintay ng Philippine Cycling Federation (Philcycling) ang opisyal na ranking na nakatakdang ihayag sa huling araw ng Pebrero.
Hindi pa naman kasama sa pinakahuling tsansa ng Pilipinas ang sitwasyon ng mga Fil-Am rider na sina Sienna Fines at ang Asian Games gold medalist na si Daniel Patrick Caluag.
Ang 17-anyos na si Fines ay kasalukuyang nasa ika-20 puwesto sa natipon nitong kabuuang 160 puntos sa likuran ng nangunguna na si Axelle Etienne ng France na may 795 puntos sa BMX event.
Wala naman sa overall ranking si Caluag na matatandaang huling sumulat sa Philippine Sports Commission upang ipahayag ang kanyang pag-atras na lumahok sa qualifying tournament ng Olympics para pagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya. (Angie Oredo)