Target ni pole vaulter EJ Obiena na makasabit sa Philippine delegation na isasabak sa Rio Olympics sa kanyang paglahok sa Asian Indoor Championships sa Pebrero 21-24 sa Doha, Qatar.

Kasama ng 20-anyos “priority athlete” ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ang ama at dating SEA Games pole vault champion Emerson Obiena na tatayo ring coach sa pagtatangka niyang maabot ang Olympic standard na 5.70 meter.

“Tulungan n’yo po ako sa pamamagitan ng inyong mga prayers,” sambit ni Obiena.

Huling itinala ni Obiena ang bagong Philippine record na 5.60m sa isinagawa noong Linggo na PATAFA Weekly Relays matapos magbalik mula sa pagsasanay sa Olympic Center sa Spala, Poland.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una nang sinanay si Obiena ni Vitaly Petrov sa IAAF Pole Vault Training Center sa Formia, Italy.

Pinilit pa ni Obiena na abutin ang 5.63m sa huli nitong tangka subalit kinapos siya ng bahagya.

Kinakailangan ni Obiena na matalon ang Olympic Qualifying Standard na 5.70m sa paglahok nito sa Asian Indoor Championships na magbibigay dito ng siguradong silya para makalahok sa Rio Olympics sa Agosto 5-21.

Tatlong iba pang malalaking torneo ang nakatakdang salihan ng pinakabatang Olympics aspirant sakaling hindi nito makasungkit ang silya para sa quadrennial Games.

Sa kasalukuyan, tanging si US-based Fil-Am Eric Cray ang Pinoy na kuwalipikado na sa Olympics matapos makalusot sa US tournament sa 400-m hurdles. (Angie Oredo)