MAKALIPAS ang dalawang buwan na magkakasunod na pagbaba ng singil sa kuryente na ikinatuwa ng mga consumer, marami naman ang nabigla at nagulat nitong unang linggo ng Pebrero sapagkat inihayag ng Meralco na tataas ng 42 sentimos kada kilowatt hour ang singil sa kuryente.
‘Tulad ng dati, todo paliwanag ang tambolero ng Meralco sa dagdag-singil na ito. Ang pangunahing dahilan ng dagdag-singil ay tumaas umano ang bayad nila sa mga electricity generator na binibilhan ng kuryente. Ang dagdag-singil ay ipapatong sa generation charge ng mga consumer.
Palibhasa’y may basbas at bendisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC), walang magagawa ang mga consumer kundi ang sumunod at pasanin ang dagdag-singil. Dahil dito, muli na namang kukuryentihin sa pagbabayad ang mga consumer tulad ng nangyayari tuwing may dagdag-singil sa kuryente ang Meralco na hindi na rin naiiba sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na ganid sa tubo.
May iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan sa dagdag-singil sa kuryente na tila sinadya sa pagsisimula ng election period. Ayon sa mga nabubuwisit at naiinis na mga consumer, kaya may dagdag-singil sa kuryente ang Meralco ay magbibigay umano ng campaign fund sa mga sirkero at payaso sa pulitika na kandidato para sa national election sa darating na Mayo. May nagsabi naman na ang dadag-singil ay isang malinaw at panibagong pagsasamantala ng Meralco.
May nagtatanong naman na bakit tuwing sasapit ang tag-araw ay laging may dagdag-singil sa kuryente? Bakit kailangang magtaas ng singil sa kuryente, eh, napakababa naman ng presyo ng produktong petrolyo na ginagamit ng mga electrity genarator na binibilhan ng kuryente ng Meralco? Isang garapal na pananamantala sa mga gumagamit ng kuryente!
Dahil sa nangyayaring dagdag-singil sa kuryente, marami na sa ating mga kababayan ang humihiling na ilantad na ng ERC sa publiko ang ginagawa nilang pagdinig para malaman ang tunay na dahilan ng dagdag-singil sa kuryente.
Nabibigla na lamang kasi ang mga consumer kapag nagpapahayag na ng dadag-singil sa kuryente na sinasabi ng mga tambolero Meralco na hindi na pinaniniwalaan ng mga consumer. Sa paniniwala naman ng iba, nambobola, at nagsisinungaling ang mga tambolero ng Meralco sa kanilang mga sinasabi na napapanood sa telebisyon at naririnig sa radyo.
Sa bawat dagdag-singil sa kuryente, hindi na maiwasan ng ilan sa ating mga kababayan na maghinala na ang ERC at Meralco ay magkasabwat sa pagtataas ng singil sa kuryente. (CLEMEN BAUTISTA)