MANNY copy copy

HANGGANG sa ibang bansa, balitang-balita si Cong. Manny Pacquiao dahil sa ipinahayag niyang pagkontra sa same-sex marriage at pagkukumpara sa gays sa mga hayop.

Nai-report pa nga ng TMZ na ida-drop ng Nike Sports as endorser si Manny dahil sa anti-gay comment nito. Sa online store ng Nike, inalis na nila si Pacman.

Naniniwala rin si Bob Arum, ang promoter ni Manny na offensive ang pahayag ni Manny tungkol sa mga beki at agree ito sa desisyon ng Nike.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Samantala, nagpahatid ng mensahe si Manny kina Boy Abunda at Vice Ganda, dalawa sa mga nasaktan at nag-react sa “worse than animals” niyang pahayag.

“Para po malaman nila, sa akin po, ‘pag talagang intindihin, ulitin ‘yung interview ko, panoorin, ang tinukoy ko po doon ay ang act, iyong paggawa. Hindi po ‘yung LGBT (lesbian, gay, bisexual, and transgender) ang kinokondena ko,” paunang paliwanag ni Manny.

“Iyong paggawa po ang tinututulan natin. Pero iyong pag-condemn sa mga LGBT, wala po sa puso ko ‘yan kasi bawal mag-condemn ng isang tao,” dagdag nito.

Para kina Boy at Vice at sa iba pang nasaktan sa pahayag ni Manny, sabi ni Manny: “Ako po ay humihingi ng paumanhin sa inyo kung nasaktan ko man kayo sa ginamit ko na word, sa pagkumpara ko sa tao sa hayop.”

“Pero explanation ko po kasi iyon, opinion. Ang in-explain ko po doon ay ang paggawa, hindi po ‘yung LGBT na sila.

Kung nakasakit man ako, nandoon pa rin ang paniniwala ko na hindi ako pabor sa same-sex marriage.”

Kasunod nito, binanggit ni Manny na suportado niya ang pinu-propose na batas, “that aims to protect members of the LGBT community from discrimination on account of sexual orientation and gender identity.”

Tumatakbo para senador si Manny sa ilalim ng United Nationalist Alliance na pinamumunuan nina Jojo Binay at Gringo Honasan, ang kandidato para president at bise president, respectively. (NITZ MIRALLES)