MAY kasabihan na, “Hindi ako nagluluksa para sa mga pangarap ko na hindi natupad, bagkus para sa Sambayanang Pilipino, na walang kamuwang-muwang na sila pala ang dapat magluksa.” Mula sa isang patas na pananaw, nakakalungkot ang antas ng diskusyon sa ating pulitika. Sa ibang palagay, medyo may kababawang maituturing dahil imbes na sagupain ang mga tunay na suliranin, iniiwasan sa maraming salita. Ang namumutawi sa mga labi ay iyong gustong madinig ng botante at lahat libre. Katulad ng pangako, kahit ‘di naman tinutupad. May maglakas-loob at matinong isip kayang magsisiwalat na sa pagpapatakbo ng pamahalaan, walang libre! May pinagkukunan ang libreng gamot, libreng edukasyon, libreng pakain, at iba pa. Pati libreng edukasyon ngayon, babayaran pa rin ng susunod na henerasyon. Bago ninyo muli isalin ang napakalaking kapangyarihan sa iisang tao, ito ang aking batayan para sa susunod na pinuno ng bansa.
Pasintabi na po, dahil kung ako ang tatakbong presidente, ito ang mga pangunahing tututukan ko agad-agad para batid ng bayan na seryoso ako at hindi nabili ng negosyante at ng dayuhang interes: Ipaparebisa ang kontrata ng mga water corporation upang bumaba ang singil ng tubig; ipapaayos ko rin ang kontrata sa kuryente upang maputol ang katiwalian ng “nakatagong bayarin” at ibagsak ang presyo nito. Kung kinakailangang gobyerno ulit ang magpatakbo, gagawin natin; bubuksan ko sa isang plebesito ang usapin ng paggamit ng Nuclear Power para sa murang kuryente; magtatayo ng Gobyernong Petrolyo upang bumaba, kahit kaunti, ang gasolina sa merkado; idaan sa plebesito ang jueteng at gawing legal sa ilalim ng PAGCOR na kasosyo ang bawat lokal na pamahalaan; death penalty, ibabalik; Pork Barrel, Intelligence at Discretionary Fund ilalaan sa kakulangan ng paaralan, libro, at guro; West Philippine Sea (WPS) at Sabah ay teritoryo ng Pilipinas; makikipagkontrata tayo sa American Exploration Company sa WPS para sa langis at gas; bibili tayo ng mga missile na ilalagay sa Palawan; programa para sa industriyalisasyon at iba pa. Sa unang tatlong nabanggit, lahat ng tumatakbo ngayon ay tagilid na. (Erik Espina)