ANG Gambia ang unang bansang African na naging kolonya ng mga British, na pinamunuan ang bansa sa loob ng mahigit 300 taon. Sa bisperas ng Pebrero 18, 1965, nakisaya ang Duke at Duchess sa 35 opisyal ng Gambia. Pagsapit ng hatinggabi, ang Gambia ang naging huling kolonya ng Britanya sa Africa na nagtamo ng kalayaan nito. Ibinaba ang British Union Jack at pinalitan ito ng pambansang watawat ng Gambia. Kalaunan, ang Gambia ay naging kasapi ng United Nations at Commonwealth. Isinabuhay nito ang motto na “Progress, Peace, Prosperity” kasunod ng paglaya nito, at taun-taong ipinagdiriwang ang makasaysayang pangyayaring ito bilang isang pambansang holiday.

Enggrande ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ng Gambia. Nagdaraos ng mga opisyal na pagdiriwang sa McCarthy Square sa kabiserang Banjul, na rito nagtitipun-tipon ang Pangulo at ang iba pang mahahalagang dignitaryo upang saksihan ang selebrasyon. Nag-oorganisa rin ng parada ang militar, mga tagapaglingkod, at mga batang mag-aaral.

Ang Gambia, isa sa pinakamaliliit na bansa sa Africa, ay kilala sa sari-sari nitong ecosystems sa palibot ng gitnang Gambia River. Sagana ang wildlife sa Kiang West National Park at Bao Bolong Wetland nito, na tinatampukan ng mga unggoy, mga hippo, at mga pambihirang ibon. Sa pamamagitan din ng Banjul ay mararating ang naggagandahang dalampasigan sa katimugan, mula sa Bakau hanggang sa Kololi.

Ang Pilipinas at ang Gambia ay may maayos na ugnayang bilateral. Ang Pilipinas ay may konsulado sa Banjul, samantalang nasa Maynila ang konsulado ng Gambia. Noong 1966, ipinakilala ng isang Pilipinong dalubhasa sa agrikultura na si Professor Brooke ang uri ng mani na tinawag na “Philippine Pink” sa Gambia na naging pangunahing produktong iniluluwas ng bansa. Noong Hunyo 2005, bumisita si President Yahya Jammeh sa Pilipinas at nakipagpulong kay noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa nasabing pagbisita, nagpahayag ng suporta si President Jammeh at isinulong ang itinataguyod ng Pilipinas sa Organization of Islamic Cooperation.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Binabati namin ang mamamayan at ang gobyerno ng Gambia, na pinamumunuan ni President Yahya Jammeh, sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang Araw ng Kalayaan.