Nasa balag na alanganin ngayon ang isang 20-anyos na call center agent matapos niyang aminin na sinadya niyang magpa-abort, at dala pa niya ang kanyang fetus nang isuplong siya sa mga pulis ng kundoktor ng bus na sinakyan niya sa Quezon City.

Ayon sa report sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) headquarters sa Camp Karingal, naka-confine ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Erika Joy Garcia, dalaga, ng Barangay Parada, Valenzuela City, matapos siyang arestuhin ng mga pulis.

Sinabi ni Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng CIDU, na batay sa imbestigasyon, sakay ang mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), sa pangunguna ni Insp. Carol Deliva, sa kanilang patrol car, nang lapitan sila ng isang konduktor ng bus sa harap ng Centris Mall sa panulukan ng EDSA at Quezon Avenue sa Bgy. South Triangle.

Sinabi ng konduktor sa mga pulis na hawak ni Garcia ang isang itim na paper bag na roon nakasilid ang in-abort na fetus.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Agad namang dinala ng mga pulis si Garcia at ang fetus sa EAMC.

Sa imbestigasyon, inamin ni Garcia na sa tulong ng isang hilot sa Quiapo, Maynila, ay inilaglag niya ang 14-linggo niyang sanggol gamit ang isang gamot at isang catheter.

Ayon naman kay Dr. Andrew M. Buenviaje, ang pagdurugo ng suspek ay dahil sa misoprostol at sa ginamit na catheter.

(FRANCIS T. WAKEFIELD)