BOW talaga kami kay JM de Guzman pagdating sa pag-arte, effortless at napakanatural na para bang mani-mani na lang sa kanya. Sa preview ng Tandem sa QCX Mini-Theater sa Quezon Memorial Circle, nakakapanghinayang na wala siya para narinig sana niya ang lahat ng mga papuri sa kanya ng mga nakapanood.
Hindi na kataka-taka ngayon na ang naturang role ang nagpanalo sa kanya bilang Best Actor sa 2015 Metro Manila Film Festival para sa New Wave category. Hindi rin nagpahuli sa pagganap ang ka-tandem ni JM na si Nico Antonio bilang kuya niya. May ibubuga pala si Nico sa drama, inakala kasi namin na puro pagpapatawa lang ang alam niya.
Magkapatid na magnanakaw ang papel nina JM at Nico, napapanahon sa “riding in tandem” na laging laman ng mga balita na kapag naiipit na ay pumapatay ng biktima. Dito nagsimula ang problema, dahil may mga buwayang pulis na sa halip na hulihin sila ay pinagtatakpan sila kapalit ng malaking halaga.
Dahil sa masyadong maselang paksa, at may matinding love scenes din ni JM sa girlfriend niya sa pelikula, nabigyan ng R-16 ng MTRCB ang Tandem.
Mas maganda kung panoorin sa sinehan ang Tandem sa Pebrero 17. Grade A ang nakuha nito sa Cinema Evaluation Board.
(Reggee Bonoan)