SI Roy Señeres ay isang napakagandang alaala para sa kolumnistang ito. Isang alaalang dadalhin marahil namin hanggang sa muli kaming pagtagpuin ng Diyos sa dako pa roon.

Nagkakilala at naging magkaibigan kami ni Roy sa loob halos ng 20 taon. Ambassador siya noon sa United Arab Emirates at ang kolumnista ito ay Editor-in-Chief ng Lingguhang Liwayway at Editor ng Balita. Pinakilala kami sa isa’t isa ng isang kaibigan at nagkalapit hanggang sa imbitahan niya kami sa UAE at maging bisita niya. May isang linggo kaming namalagi roon at ipinakita niya sa amin ang halos kabuuan ng Emirates na siyang bumubuo sa UAE.

Mainit kung tumanggap ng isang kaibigan si Roy. Ibibigay ang lahat ng kayang ibigay sa kasiyahan mo. Pipilitin kang masiyahan sa abot ng kanyang kakayahan para maging kapaki-pakinabang at kasiya-siya ang bawat sandali ng iyong pamamalagi.

Tuwing magbabakasyon siya sa ‘Pinas ay nagkikita kami, nagkukuwentuhan at nagmimeryenda sa palagi niyang pinagmimeryendahan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kayrami niyang natulungang mapalaya sa naturang mga bansang bilang ambassador; mga Pinoy na nakulong dahil sa nagawang pagkakamali. Dinalaw namin ang mga iyon upang kahit na papaano ay malibang at mabigyan ng kahit kaunting aliw.

Nang matulungan niyang mapalaya si Sarah Balabagan at mapabalik niya sa ‘Pinas ay sandali niya itong kinupkop.

Itinuring na niya itong parang sariling anak sapagkat marunong ding kumanta.

Dakila si Roy sa tunay na kahulugan ng salitang kadakilaan. Simpleng magsalita kahit na isang abugado. Malumanay, mapakiusap, hindi mayabang, at matulungin.

Ang huli naming pagkikita ay nang magpahayag siya ng kandidatura bilang pangulo ng bansa para magpatulong na mag-translate ng kanyang plataporma.

Ang isa sa plataporma niya tungkol sa Contractualization Law. Matindi ang malasakit niya sa mga abang manggagawang inaapi ng mga mamumuhunan.

Sa kamatayan ni Roy ay tila namatay na rin ang pag-asa ng mga abang manggagawa na isang kahig, isang tuka. Sana’y hindi nila malimot ang isang dakilang lalaking hanggang sa pumanaw ay naninindigan sa kapakanan ng mga aping manggagawa. (ROD SALANDANAN)