Tatlong katao ang inaresto makaraang salakayin ng pinagsamang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), mga opisyal ng barangay, at Caloocan City Police, ang hideout ng isang sindikato na sangkot sa ilegal na droga at bentahan ng baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, kinilala ang mga naaresto na sina Baser Aluya, 45; Salik Masnar, 39; at Malik Naga, 42, pawang taga-Barangay 178, Camarin, Bagong Silang.

Pinauwi naman ang isang lalaki na kamukhang-kamukha ng leader ng sindikato na si Usman Macandatu, matapos mapatunayang hindi siya ang target ng mga pulis.

Si Macandatu ay isang high-profile criminal na sangkot sa Zamboanga bombing noong nakaraang taon.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Sinabi ni Bustamante na halos dalawang buwan ding under surveillance ang grupo ni Macandatu at sa tulong na rin ng mga opisyal ng barangay ay nakumpirma ang operasyon ng mga suspek.

Sa bisa ng search warrant, dakong 4:00 ng umaga nang nilusob ng mga operatiba ng CIDG at ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics-Special Response Unit (SWAT-SRU) ng Caloocan Police ang kuta ng mga suspek.

Baril at mga sachet ng shabu ang nasamsam mula sa bahay ni Aluya, ilegal na droga rin ang nakumpiska sa bahay ni Masnar, habang isang samurai sword, isang caliber .9mm na may mga bala, at mga sachet ng shabu ang nakuha kay Niga.

(Orly L. Barcala)