Inamin ni United Nationalist Alliance (UNA) party vice presidential candidate at Senator Gregorio “Gringo” Honasan II na hindi niya alam kung bahagi pa rin ng opposition coalition si Manila City Mayor Joseph Estrada, na katuwang sa pagbuo nito kasama ang kanilang standard-bearer na si Vice President Jejomar Binay.

“Hindi ko alam,” sagot ni Honasan nang tanungin kaugnay sa hindi pagpapakita ni Estrada sa kanilang kick-off campaign rally sa Mandaluyong City.

Sina Estrada, Binay at Senator Juan Ponce-Enrile ang mga binansagang tatlong hari ng UNA, ang opposition coalition na nabuo matapos ang halalan noong Mayo 2013.

Gayunman, kapansin-pansing wala ang mayor sa okasyon ng UNA sa Mandaluyong City; wala rin siya sa proclamation rally ni Sen. Grace Poe-Llamanzares sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Minsan nang inamin ni Estrada na nahahati siya sa pagpili sa anak ng kanyang bestfriend, ang namayapang si Fernando Poe, Jr. at kay Binay, ang kanyang best friend. Sinabi ng isang source na ihahayag ni Estrada ang napili nitong presidential bet sa susunod na linggo.

Nang tanungin kung ano ang nararamdaman niya sa hindi pagpapakita ni Estrada sa kanilang major event, sumagot si Honasan na “that’s life.”

“Di ba ang buhay, parang life ano? Hindi ko alam, honestly kung bakit wala (siya) dun, kung nasaan (siya). Kaya lang ang sagot ko lang diyan, yung iniiwan kami or di kami sinisiputan. I’m not referring to President Erap only, pinag-iingatan ko rin dahil malapit din sa atin ‘yan, three kings nga ng UNA coalition, pero para sa amin, na iiwan at hindi siputan yung iba,” wika ni Honasan.

Sinabi niya na sa kabila ng hindi pagsipot ni Estrada, wala siyang sama ng loob sa mayor.

“I’m trying to think back baka may pasabi sa UNA, or baka kay VP Binay, sa mga opisyales, namin. Pero walang masamang tinapay sa amin eh. Hindi namin minamasama yun,” aniya.

“Ako, after 42 years in public service, with 7 years as a rebel, 17 years as a senator, alam ko pakiramdam ng naiiwan, ngunit ‘di dahilan yun para mang-iwan kami,” dagdag niya. (HANNAH TORREGOZA)