Nagbitiw bilang pinuno ng Media Affairs ng Office of the Vice President (OVP) si Joey Salgado upang tutukan ang kampanya sa kandidatura ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay.
Si Salgado ay tumatayong tagapagsalita ni VP Binay.
Epektibo ang kanyang pagbibitiw kahapon, kasabay ng pagsisimula ng campaign period para sa eleksiyon sa Mayo 9.
“I have resigned from the OVP (Office of the Vice President) effective Feb. 9 to work full-time for the campaign as Communications Director,” ani Salgado.
Nilinaw ni Salgado na magsisilbing campaign spokesperson ni Binay si Atty. Rico Quicho habang tagapagsalita naman ng UNA si dating Cainta Mayor Mon Ilagan.
Samantala, Enero 9 naghain sa Malacañang ng “leave of absence” si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte upang tutukan ang kampanya ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, ang standard bearer ng Liberal Party (LP).
“I am in charge of coordinating Communications-related assignments. More support staff work than campaigning,” sabi ni Valte. (Bella Gamotea)