Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pagpanaw ni OFW Family Club Party-list Rep. Roy “Amba” Seneres dahil sa cardiac-pulmonary arrest.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na kinikilala nila ang mahahalagang kontribusyon ni Seneres sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa, lalo na ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Ayon kay Coloma, malaking papel ang ginampanan sa gobyerno ni Señeres lalo nang maitalaga siyang ambassador sa Middle East.
“Nakikiramay kami sa kanyang pamilya. Siya ay nagtaguyod sa kapakanan ng mga manggagawa bilang tagapangulo ng NLRC at nang itinalaga siya sa Middle East bilang Ambassador,” ani Coloma.
Magugunitang binawi ni Señeres ang kanyang kandidatura noong Biyernes dahil sa kanyang lumalalang kalusugan.
Sa edad na 68, pumanaw si Señeres dakong 8:07 ng umaga nitong Lunes sa St. Lukes Hospital, base sa pahayag ng kanyang anak na si RJ. (Beth Camia)