SA kabila ng kaginhawahang nadama natin sa sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produkto ng langis, nangangamba namang mawalan ng trabaho ang libu-libong overseas Filipino workers (OFWs), kabilang na ang ilan nating mga kamag-anak. Katunayan, marami sa kanila ang mistulang itiniwalag sa mga kumpanya sa iba’t ibang oil-producing countries sa Middle East dahil sa paghina ng produksiyon ng krudo na inaangkat ng mga bansa na katulad ng Pilipinas.

Ito ang dahilan ng biglang-bagsak ng presyo ng krudo sa world market na naging dahilan naman ng pagkakatanggal ng mga OFWs na nagtatrabaho sa mga oil refineries.

Marami na ang ating mga kababayan at kamag-anak ang nagpasabi na mapipilitan silang bumalik sa Pilipinas dahil nga sa patuloy na pagbabawas ng labor force sa nabanggit na mga kumpanya. Marami sa kanila ang matagal nang namamasukan sa Arab countries bilang bahagi ng kanilang mga pangarap na mabigyan ng maginhawang buhay ang kanilang pamilya.

Napilitan silang mangibang-bansa dahil sa kahirapang maghanap ng trabaho sa Pilipinas. Isinangla o ipinagbili ang kanilang mga ari-arian upang matugunan lamang ang nakalululang overseas employment fees.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi inalintana ang mga panganib na susuungin nila bilang mga OFWs. Tulad, halimbawa, ng nangyari kamakailan sa ating 13 kababayan na nasunog sa isang hotel sa Iraq. Bukod pa rito ang karumal-dumal na mga krimen na bumibiktima sa OFWs. Ang ganitong mga pangyayari ay naging bahagi na ng pakikipagsapalaran ng ating mga kababayan na ang ilan ay napipilitang umuwi dahil sa sinasabing pagbagsak ng ekonomiya ng mga bansa na kanilang kinaroroonan.

Ang malaking katanungan ngayon: Mayroon kayang naghihintay na trabaho para sa kanila? Hindi ba’t kaya sila napilitang magtrabaho sa ibang bansa ay dahil sa malubhang employment problem dito? Magugunita na maraming OFW mula sa mga bansang nagdidigmaan ang pinauwi subalit walang trabaho hanggang ngayon. Sa kabila ito ng paniniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi sila pababayaan. Hindi ba’t mismong si Presidente Aquino ang nagpahiwatig na wala nang aalis na OFW kapag sila ay nahalal?

Hindi dapat balewalain ang jobless OFWs na uuwi mula sa mga bansang ginigiyagis ng lumpong ekonomiya. (CELO LAGMAY)