APTOPIS Kings Cavaliers Basketball

CLEVELAND (AP) – Naitala ni LeBron James ang ika-40 career triple-double, habang napantayan ni Kyrie Irving ang natipang season high 32 puntos para sandigan ang Cleveland Cavaliers sa dominanteng 120-100, panalo kontra Sacramento Kings Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Hataw si James sa nakuhang 21 puntos, 10 assist at 10 rebounds para sa kauna-unahang triple-double ngayong season. Dahil sa malaking bentahe na naitirak ang Cavs, hindi na naglaro ang four-time MVP sa fourth quarter.

Impresibo si Irving sa kanyang 13 of 21 sa field at pantayan din ang career high 12 assist, habang kumubra si J.R. Smith ng 22 puntos, tampok ang anim na 3-pointer.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Maagang nakuha ng Cavs ang tempo ng laro at umarya sa double digit na bentahe sa kabuuan ng second half na hindi na nagawang mahabol ng Kings, nagtamo ng walong kabiguan sa huling siyam na laro.

Nanguna sa Kings sina Rudy Gay at Omri Casspi sa Sacramento na may tig-16 puntos.

Nalagpasan naman ni Cavaliers forward Kevin Love ang 9,000 career point mark sa nakuhang 11 puntos.

THUNDER 122, SUNS 106

Sa Phoenix, ratsada si Kevin Durant sa iskor na 32 puntos, kabilang ang 25 sa second para pagbidahan ang panalo ng Oklahoma City kontra sa host team Phoenix Suns.

Kumana si Durant ng magkasunod na 3-pointer para maibagsak ng Thunder ang 16-4 run at pangulimliman ang kampanya ng Suns, nabigo sa ika-23 sa 25 laro.

Nag-ambag si Russell Westbrook ng 29 puntos para sa Thunder, galing sa nakapanlulumong 116-108 kabiguan sa Golden State Sabado ng gabi.

Nanguna si Markieff Morris sa Phoenix na may 23 puntos, habang nag-ambag si Archie Goodwin ng 20 puntos at kumubra si Mirza Teletovic ng 17 puntos.

NETS 105, NUGGETS 104

Sa New York, naibuslo ni Joe Johnson ang 3-pointer sa buzzer para masilo ng Brooklyn Nets ang Denver Nuggets.

Nagtumpok si Thaddeus Young ng 20 puntos, habang kumubra si Markel Brown ng career-high 19 puntos. Tumapos si Johnson na may 12 puntos at 8 assist.

Nanguna sa Nuggets si Danilo Gallinari na may 24 na puntos at tumipa si Kenneth Faried ng 24 na puntos at 13 rebound.

RAPTORS 103, PISTONS 89

Sa Auburn Hills, Michigan, hiniya ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Kyle Lowry na tumipa ng 25 puntos, ang host Detroit Pistons.

Hataw din si Terrence Ross sa iskor na 18 puntos para makamit ng Atlantic Division leader ang one-sided na resulta, ika-14 na panalo sa 15 laro ng Raptors. Nag-ambag si DeMar DeRozan ng 17 puntos.

Kumana si Andrew Drummond sa Pistons sa naiskor na 12 puntos at 13 rebounds.

CLIPPERS 98, SIXERS 92 (OT)

Sa Philadelphia, naisalpak ni J.J. Redick ang game tying 3-pointer sa regulation, habang humataw si Jamal Crawford sa overtime para malusutan ng Los Angeles Clippers ang Sixers.

Naghabol ang Clippers mula sa 19 na puntos na bentahe ng Sixers para sa ika-19 na panalo sa huling 23 laro. Kumana ng kabuuang 23 puntos si Redick, habang kumana ng 22 puntos si Crawford. Tumipa si DeAndre Jordan ng 12 puntos at 21 rebound, habang humirit si Chris Paul ng 19 na puntos, 6 na rebound at 7 assist.

Nanguna sa Sixers si Jerami Grant na may 17 puntos.

PACERS 89, LAKERS 87

Sa Indianapolis, umiskor si Paul George ng 7 puntos sa loob ng 71 segundo, habang naisalpak ni Monta Ellis ang krusyal free throw may 20.6 segundo sa laro para malusutan ng Pacers ang Los Angeles Lakers.

Tumapos si George na may 21 puntos at 9 na rebounds.

Nanguna si Kobe Bryant sa Lakers na may 19 na puntos para sa kanyang huling paglalaro sa Indianapolis.