COTABATO CITY – Hinarangan kahapon ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang kalsada sa Datu Piang, Maguindanao, sa bagong kabanata ng armadong komprontasyon ng grupo sa puwersa ng gobyerno, ayon sa isang lokal na grupong sibilyan na nagsusulong ng kapayapaan sa lalawigan.

Sinabi ni Bobby Benito, secretary general ng Mindanao People’s Caucus (MPC), na hinarangan ng mga armadong rebelde ang mga daanang papasok at palabas sa kalsadang nasa pagitan ng mga barangay ng Butalo at Tee, kaya naman hindi makaalis sa lugar ang kanilang grupo na nagtatangkang makipagkasundo kaugnay ng mga bagong pag-atake ng BIFF.

“We are being trapped at (barangay) Butalo bridge where (military) clearing operation is going on. Very high-powered explosions are being heard around (us),” saad sa text message ni Benito sa may akda kahapon.

Kinumpirma naman ni Col. Felicisimo Badiongan, pinuno ng 1st Mechanized Brigade ng Philippine Army, ang pagdami ng mga tauhan ng BIFF sa lugar, sinabing nagpapaputok na ng mortar rounds ang kanyang mga tauhan “[to] drive away increasing number” ng mga rebelde.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napaulat na kinubkob ng mga rebelde ang Bgy. Tee, kalapit ng Bgy. Butalo na roon itinatayo ang isang tulay bukod pa sa puspusan ang proyekto sa paghuhukay, na armadong tinututulan ng BIFF, ayon kay Col. Badiongan.

Sinabi naman ni Abu Mesri, tagapagsalita ng BIFF, na hindi nabayaran ang mga miyembro ng grupo sa right of way ng mga lupaing saklaw ng mga pagawain ng gobyerno.

Dagdag pa niya, limang sundalo na nagbabantay sa seguridad ng mga obrero sa lugar ang napatay sa sagupaan na nagsimula noon pang Biyernes. Pinabulaanan naman ito ng militar, at sinabing ang BIFF ang nalagasan ng tatlong tauhan, bukod pa sa maraming nasugatan.

Inamin naman ng militar na tatlong sundalo, kabilang ang isang Philippine Army captain, ang nasugatan sa nabanggit na mga paglalaban.

Naniniwala ang mga local peace activist, gaya ng MPC, na layunin ng mga panibagong panggugulo ng BIFF na himukin ang karahasan bilang protesta sa pagkakabigo ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso, kabilang na ang pagtitipun-tipon ng umano’y libu-libong tauhan ni Nur Misuari, founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF), sa Indanan, Sulu, nitong Lunes. (ALI G. MACABALANG)