Hinamon kahapon ni Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. ang susunod na administrasyon na bigyang-buhay ang batas na naglalayong babaan ang buwis na personal at corporate rates.

Ayon sa pinuno ng Kamara, umaasa siyang may magagawa ang susunod na administrasyon at Kongreso at pag-aaralang mabuti ang mga tamang hakbang.

Sinabi ni Belmonte na dapat pag-aralan at isulong agad ng bagong administrasyon ang tax reform upang maipasa sa 17th Congress.

Ipinagtanggol din niya si Pangulong Aquino sa pagtawag sa nasabing tax reform na “fiscally irresponsible” at “pogi bill.”

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Aniya, hindi inayawan ni PNoy ang kahit anong income tax bill.

Nais lamang umano nitong pag-aralan itong mabuti.

Matatandaang sa isang media forum na dinaluhan ng Pangulo sa Kuala Lumpur, para sa Association of Southeast Asian Nations’ (ASEAN) Summit noong isang taon, ay tinawag ng Pangulo ang nasabing panukala na “pogi bill” o paraan para makakuha ng boto, at “fiscally irresponsible” dahil mababawasan nito ang kita ng gobyerno.

Para naman kay Marikina Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means, dapat pa ring igiit ang income tax reforms kahit tapos na ang termino ni Aquino.

Aniya, kakampi ni Aquino ang nagsimula ng tax reform bill sa Senado—si Sen. SonnyAngara—at siya naman sa Kamara.

Tanggap umano ito ng halos lahat ng komite sa Kamara at suportado rin ng Tax Management Association of the Philippines Inc (TMAP).

Setyembre 2015 nang kinausap nina Quimbo at Angara si PNoy upang kumbinsihin itong suportahan ang kanilang pro-workers proposal.

Sa pulong, ipinaliwanag ni Quimbo na maaaring maibalik ang mawawalang P30-bilyon annual revenue mula sa dating P44 bilyon, mula sa P13 bilyon tax na ipatutupad sa 2017. (Charissa M. Luci)