Sinamantala ng Team Circle ang lubhang pagkapagod ng karibal na Braganza para makuha ang 25-23, 25-20, 12-25, 25-19, panalo sa winner-take-all championship, kahapon sa 1st Quezon City Pride Volleyball Cup sa Amoranto Sports Complex.

Isa sa limang koponan ng mga miyebro ng LGBT community, ginamit ng Circle ang kumpletong 12-man lineup upang taktihan at samantalahin ang kakulangan sa players ng Braganza.

Ang Braganza, una nang nasabak sa klasikong tatlong set na unang laban kontra IEM A, nagtapos sa iskor na 33-35, ay nagpamalas nang huling lakas para magwagi sa ikatlong set sa dominanteng 25-12 iskor. Una nang itinakas ng Braganza ang magkasunod na do-or-die na laban sa playoff at semifinals na kapwa natapos sa ikalimang set upang angkinin ang kanilang silya sa finals.

Pinilit ng Braganza na maitulak pa ang deciding fifth set sa pagdikit nito sa iskor sa 16-21 subalit tuluyang kinapos sa nakamit na service error upang magpaalam sa nakatayang inaasam na korona.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Iniuwi ng Circle ang isang eleganteng tropeo, medalya at P20,000 cash prize .

Sa labanan para sa ikatlong puwesto, nagwagi ang Sesahood matapos magaan na talunin ang Joan’s Angeles, 25-13, 25-23, 26-24.

Pinarangalan bilang 1st Best Spiker si James Uy ng Braganza habang 2nd Best Spiker si Mishka Manalang sa Sesahood. Ang 1st Best Middle Blocker ay si Kenneth Valencia ng Sesahood habang si 2nd Best Middle Blocker ay iginawad kay Jan Jan Lu ng Circle.

Napunta ang Best Libero kay Rico Fumar ng Braganza habang ang Best Opposite Spiker ay napunta kay Rodel Facundo ng Braganza. Ang Most Valuable Player (MVP) Award ay si Jolas Lopez ng Circle.

“We’re so happy to successfully stage this first ever Pride Cup which goes to show not just for the development of our community but also in giving a fair chance for our LGBT constituents to involve in sports,” pahayag ni organizing chief Mayen Juico. - Angie Oredo