Sa kabila ng pagtatatag ng mga checkpoint sa iba’t ibang lugar ngayong panahon ng eleksiyon, nakuha pa ring ilikida ng tatlong suspek ang isang retiradong pulis sa isang mataong lugar sa Calapan City, kamakalawa.

Kinilala ni Supt. Joseph P. Paguio, Calapan City Police chief, ang biktima na si SPO3 Avelino A. Canilang, 50, residente ng Barangay Guinobatan, Calapan City, at dating nakatalaga sa isang police detachment sa Kilometer 5 sa siyudad.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakasakay ang biktima sa isang tricycle nang bigla itong lapitan at pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang suspek, na tinatayang nasa 20 taong gulang, dakong 11:00 ng umaga noong Sabado.

Kilala sa komunidad sa pag-neutralize sa mga sindikato na kumikilos sa Metro Manila, pinutukan ng mga suspek nang malapitan si Canilang sa ulo at dibdib na agad nitong ikinamatay.

Giit ni Duterte: ‘Maraming opisyal ng gobyerno ang bangag’

Narekober ng pulisya sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng .45 caliber pistol.

Ipinag-utos na rin ni Paguio ang paglulunsad ng manhunt operation laban sa mga suspek na tumakas sakay sa isang tricycle. - Jerry J. Alcayde