Ni Angie Oredo

Tulad ng inaasahan, nadomina ng Kenyan runner ang Open division ng Condura Skyway Marathon 2016 Run For a Hero kahapon sa Filinvest City.

Winalis ng pamosong long distance runner ang 42K category, sa pangunguna ni Eric Chepsiror na nakapagtala ng tyempong dalawang oras, 28 minuto at 58 segundo. Kasunod niyang dumating sina Jackson Chirchir (2:29:42) at David Kipsang (2:33:28). Naiuwi nila ang cash prizes na P25,000, P15,000 at P10,000, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna naman sa Filipino category sina Eugene Postrado (2:46:31), Carlito Fantilaga (2:56:29) at Jose Jun Jamco (3:12:32) na nagbulsa rin ng parehong premyong natanggap ng mga banyaga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna naman sa 21K Open race sina Jonathan Cheruiyot (1:09:38), Rafael Poliquit Jr. (1:11:07) at Richard Solano (1:11:20).

Sa kababaihan, nanalo sa 42K race sina Monica Muthoni (2:55:39), Luisa Raterta (3:16:36) at Miscelle Gilbuena (3:21:58), habang nanaig naman sa 21K sina Mary Joy Tabal (1:22:00), Mary Grace delos Santos (1:25:52) at Nhea Ann Barcena (1:35:15).

Muling mabibiyayaan ng advocacy race ang HERO (Help Educate and Rear Orphans) Foundation na nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga naulilang anak ng mga sundalong namatay habang ginagawa ang tungkulin sa bayan.

“We brighten up parts of the Skyway because we believe light is a symbol of hope,” sabi ni Condura Skyway Marathon founder Ton Concepcion.

“We are running to give hope for the children of our fallen heroes.”