DAHIL kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, nakatagpo ng tagakupkop at tagapagtanggol ang libu-libong pulot (foundling) na iniwan ng kanilang mga magulang matapos “magpasarap” o kaya’y natukso sa bawal na pag-ibig bunsod ng umaapaw na estrogen sa babae at testosterone sa lalaki. Maliwanag, hindi kasalanan ng kawawang pulot kung ano ang kanyang tunay na pagkatao at kung sino ang kanyang mga magulang.
Naniniwala si Sereno na ang isang foundling na natagpuan sa isang bansa, gaya halimbawa ng Pilipinas, ay maituturing na itong isang natural-born citizen, tulad ng kaso ni Sen. Grace Poe na natagpuan sa simbahan ng Jaro, Iloilo noong 1968. Hindi tungkulin o responsibilidad ng iniwang sanggol kung ano ang kanyang citizenship. Ang presumption dito ay isa siyang mamamayan sa bansa na kinatagpuan sa kanya.
Tahasang ipinagtanggol ni CJ Sereno ang mga karapatan ng foundling. Nagbabala siya sa posibleng “profound implications” kapag ang mga pulot tulad ni Sen. Grace ay hindi pinayagan ng Korte Suprema na tumakbo sa pagkapangulo dahil hindi siya umano isang natural-born Filipino. Ganito ang tanong niya sa Commission on Elections (Comelec) member na si Arthur Lim sa ginanap na oral argument tungkol sa pagdiskuwalipika ng Comelec sa kandidatura ni Poe:
“If you’re saying that foundlings are not natural-born cirizens, have you thought about the impact on the rights of the foundlings.”
Bukod kay Sereno, pabor din si SC Associate Justice Marvic Leonen na panatilihin ang pangalan ni Poe sa listahan ng mga kandidato sa panguluhan sa Mayo 9, 2016. Naniniwala si Leonen na ang mga botante ang dapat magpasya sa isyu ni Grace, at hindi ang Comelec na iilang tao lamang.
Binigyang-diin ni Sereno na bukod sa pangulo, bise-presidente, senador, kongresista, at hukom, ang isang foundling na hindi natural-born citizen ay hindi maaaring maging high ranking civil servant, makakuha ng lisensiya sa propesyon o kaya’y maging isang government scholar, kapag si Sen. Grace ay diniskuwalipika.
Dagdag pa ni Sereno: “If I am going to say that a foundling is not a natural-born Filipino citizen, that they cannot hold thousands of offices that require natural-born citizens, does it mean that any of those persons holding any of those positions who is alleged to be a foundling, must be removed?” (BERT DE GUZMAN)