Kinuwestiyon ni Senate Electoral Reforms and People’s Participation Committee chairman, Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, ang pagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) sa pangangampanya ng mga kandidato gamit ang social media.
Ayon kay Pimentel, ang ban na nakapaloob sa Comelec Resolution No. 10049, ay isang uri ng censorship at hayagang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag.
Sa opisyal na pagsisimula ng election campaign sa Martes, Pebrero 9, sinabi ng Comelec na ipatutupad nila ang resolusyong nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na isapubliko ang kanilang mga opinyon sa sariling “blog” o “microblog”, gaya ng Twitter, sa kung sino ang dapat iboto.
Magpapataw umano sila ng parusa sa sinumang opisyal ng Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura, mga constitutional commission, at mga miyembro ng Civil Service Commission na lalabag sa nasabing Comelec resolution.
Sinabi ni Pimentel na dapat linawin ng Comelec kung sino ang mga opisyal na sakop ng nasabing resolusyon at linawin kung ano ang ibig nilang sabihin sa “blog” o “microblog”.
Sinabi rin ng senador na hindi siya pabor sa pagbabawal na ikampanya niya ang mga paborito niyang kandidato sa mga political ads at social media.
Puwede umano siyang sumang-ayon sa Comelec ban sa mga empleyado ng gobyerno at sa hudikatura na magsalita para sa napipisil na kandidato, pero ibang usapan na kung ipagbabawal pa rin ang blogs at posts sa Facebook at Twitter.
(Mario Casayuran)