Iniutos ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang relokasyon ng 800 informal settler sa mga tinatawag na “danger zone” sa lungsod.
Ito ay matapos pirmahan ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at National Housing Authority (NHA), para sa pagpapatupad ng “Oplan Likas (Lumikas para Iwas Kalamidad at Sakit)” program.
Sa naturang kasunduan, magbibigay ang DILG ng P90 milyon tulong pinansiyal para sa pagpapatayo ng micro-medium-rise building sa Parañaque City.
Kabilang sa mga apektadong pamilya ang nakatira sa bahagi ng Ilog ng Parañaque sa mga barangay ng Tambo, Sto. Niño, at La Huerta at ililipat ang mga ito sa proyektong pabahay sa Bagong Parañaque Homes II sa C-5 Extension sa Bgy. La Huerta.
Unang inilikas ang 300 informal settler sa tabi ng mga daanan ng tubig sa Parañaque simula noong 2013.
Noong Abril 2015, ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ang 144 na housing unit sa mga benepisyaryo sa PAR Homes 1 sa C-5 Extension sa Bgy. La Huerta.
Naitayo ang housing unit sa ayuda ng Rotary International District 3830, Rotary Homes Foundation, Inc. at Couples for Christ-ANCOP Tekton Foundation, Inc.
Plano rin ng alkalde na magpatayo ng 500 unit sa nabiling lote ng pamahalaang lungsod. (Bella Gamotea)