Tuluyan nang nabago ang katayuan ng Pinoy differently-abled athletes.

Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na handa nang lagdaan ng five-man PSC Board ang pagbibigay ng buwanang allowance para sa mga miyembro ng PhilSpada.

Ang unang grupong makatatanggap nito ay ang 36 medalist sa nakalipas na 8th ASEAN ParaGames sa Singapore.

Nag-uwi ang delegasyon ng kabuuang 16 na ginto, 17 pilak at 36 na tanso.

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

“We will convene the Board next week to approved the allowances of our differently-abled athletes,” sambit ni Garcia matapos pangasiwaan ang pamimigay ng cash incentives sa mga atleta.

Ang cash incentives ay batay sa sinusugang batas sa Cash Incentives Law.

“Hindi po nakasaad sa ating Charter na kasama sila (PhilSpada) sa makakatanggap ng allowances tulad sa ating mga elite athlete but I think it will be the first for the PSC Board to do,” paliwanag ni Garcia.

Kasama ni Garcia sa pagbibigay ng kauna-unahang insentibo matapos ipasa ang Republic Act 10699 ang mga mambabatas na nanguna sa pagpasa nito na sina Senador Juan Edgardo Angara, Alay Buhay Party List Congressman Wes Gatchalian, at Pampanga Representative Yeng Guiao.

Sinabi ni Senador Angara na nakalinya sa kanyang komite na Ways and Means ang pag-aalis ng value added tax sa pagbibili ng gamot, pagkain sa mga restaurant at iba pang establisimiyento sa mga persons with disabilities pati na rin sa mga senior citizen.

“Aside from the 20% discount that is already in our law, we also proposed to make a law that will take away the VAT for persons with disabilities and seniors citizens. We hope that you could help us make this proposed bill para na rin mas makatulong pa kayo sa ating bansa sa sports,” sabi ni Angara.

Kabuuang P6,783,750 insentibo para sa mga atleta ng PHILSpada o Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) ang ipinagkaloob ng PSC.

(Angie Oredo)