HINIHILING ng Commission on Elections (Comelec) ang tulong ng publiko na maipatupad ang mga batas tungkol sa mga gagamitin sa kampanya para sa eleksiyon ngayong 2016.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, magtatayo sila ng citizen reporting system, na maaaring magpadala ang publiko ng mga larawan ng mga lumalabag sa election campaign materials law sa opisyal na website ng Comelec at sa Facebook at Twitter accounts nito.
Ang campaign materials ay dapat na ikabit lamang sa mga common poster area na itinalaga ng Comelec. Ang mga materyales na ito ay hindi maaaring ipaskil sa mga puno at sa mga halaman. Gayunman, maraming poster na may mga mukha ng mga kandidato ang ikinakabit sa mga poste ng kuryente at isinasabit sa mga linya nito sa mga kalye. Hindi nila tuwirang ipinahahayag na sila ay kandidato, at sa halip nagtatago sila sa pagbati sa mga pista o sa iba pang okasyon. Pero malinaw na naroon ang kanilang mga poster dahil kakandidato sila sa eleksiyon.
Hinihikayat ngayon ang lahat na kuhanan ng litrato ang nasabing mga poster at ipadala ito sa website ng Comelec.
Umaasa si Chairman Bautista na mahihiya ang kahit isa man lamang sa kanila, at kusa nang aalisin ang kanilang ilegal na campaign materials bago pa sila kasuhan ng Comelec.
Tungkol naman sa napakaraming commercial advertisements ng ilang kandidato sa pagkapangulo na tuluy-tuloy na isinasahimpapawid sa mga telebisyon at radyo sa nakalipas na mga buwan, hindi pa ito natutugunan ng Comelec dahil ayon sa Korte Suprema, maaari lamang itong parusahan kung naisagawa sa panahon ng kampanya.
“Ang sobrang paggasta sa kampanya ay lampas sa matuwid,” komento ni Senate President Franklin Drilon sa unang bahagi ng linggong ito, kasabay ng panawagan niya sa Comelec na magkaroon ng epektibong mekanismo upang silipin ang mga ginagastos sa kampanya ng lahat ng kandidato. Gayunman, alam niyang sa huli, ang solusyon ay isang bagong batas upang mapasakan ang lahat ng butas na umiiral sa kasalukuyang batas.
Habang umiiral ang dati, tanging shame campaign ang maaaring asahan ng Comelec. Sa tulong ng determinadong mamamayan, gamit ang mga makabagong teknolohiyang digital, posibleng masawata ng Comelec ang maraming paglabag ng mga pulitiko tungkol sa mga campaign poster. Puwede ring gamitin ang shame campaign sa mga pulitikong sobrang gumastos sa kampanya.