Tatangkain ni two-time world title challenger Jether “The General” Oliva na makabalik sa world rankings sa pagsagupa kay dating WBC light flyweight champion Pedro “Jibran” Guevarra sa Pebrero 20 sa Mazatlan, Sinaloa, Mexico.

Ito ang unang laban ni Guevarra mula nang matalo sa kontrobersiyal na 12-round split decision kay Japanese Yu Kimura noong Nobyembre 28 sa Xebio Arena sa Sendai, Miyagi, Japan kaya inaasahang magpapasiklab ang Mexican sa 112 pounds bout laban kay Oliva.

Galing naman si Oliva sa kontrobersiyal na pagkatalo sa puntos kay dating IBF super flyweight ruler Zolani Tete noong Disyembre 18 sa Orient Theatre, East London, Eastern Cape, South Africa para sa bakanteng WBO Africa flyweight belt.

Unang dumayo si Oliva sa Mexico noong 2011 nang hamunin niya si ex-IBF light flyweight champion Ulises Solis pero natalo siya sa 12-round unanimous decision sa Guadalajara, Jalasco.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa ikalawang laban sa nasabing bansa, natalo siya kay Mexican Luis Nery sa 4th round TKO noong Pebrero 28, 2015 sa Centro De Convenciones sa Rosarito, Baja California pero overweight ang world rated na kalaban na aktibo sa bantamweight division.

“This (flyweight division) is the perfect weight for Oliva,” sabi ni Jim Claude “JC” Manangquil, manager ni Oliva sa nailathalang pahayag sa Philboxing.com.

“Sa laban kay Nery, hindi niya kinaya ang timbang, ‘yung pinaglabanan nila noon na 117 lbs. Masyadong malaki ang kalaban.”

Sa kanyang ikalawang world title bout, hinamon ni Oliva si dating IBF at kasalukuyang IBO flyweight champion Moruti Mthalane pero natalo siya sa kontrobersiyal na 12-round split decision noong Marso 15, 2014 sa Durban, South Africa.

May rekord si Oliva na 23-4-2, tampok ang 11 TKO, samantalang si Guevarra na dati ring WBC Silver at NABF light flyweight champion ay may 26-2-1 marka, kabilang ang 17 TKO. (Gilbert Espeña)