INIGO AT SOFIA copy

NAKITA namin ni Bossing DMB si Sofia Andres kasama ang mommy niya habang kausap si Katotong Dominic Rea sa gazebo ng ABS-CBN nitong nakaraang Miyerkules ng gabi.

 

Timing naman dahil kasusulat lang namin sa isyu kina Sofia at Diego Loyzaga noong Enero 26, kung sila na ba ni Diego Loyzaga na madalas niyang nakakasama at kung ano na ang nangyari sa ‘special friendship’ nila ni Iñigo Pascual.

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

Nakakatuwa dahil nang magpakilala kami sa mommy ni Sofia ay may recall daw ang pangalan namin, subscriber pala siya ng Balita, kaya monitored niya ang lahat ng nasusulat namin tungkol sa dalagita. Maraming salamat po, Gng. Andres (hindi namin nakuha ang pangalan ni Madir).

 

Kinumusta namin si Sofia sa status ng relasyon nila ni Iñigo at tinanong kung bakit hindi na sila nagkakasama at si Diego na ang laging kasama niya.

 

“We don’t talk po anymore,” seryosong sagot ng magandang dalagita. 

 Siyempre nagulat kami ni Bossing DMB, kaya ang follow-up question, ano ang nangyari sa ‘special friendship’ na inamin nila sa amin nang i-launch sila sa Relaks, It’s Just Pag-ibig.

“Hindi ko po alam, basta, wala na lang, hindi na kami nagkakausap. Si Mama ang nakakausap niya, binabati niya,” sagot ulit ng dalagita.

 

Agad nahimigan ni Bossing DMB na may tono ng tampo -- o galit bang nararamdaman? -- si Sofia kay Iñigo. Kaya diretsong tanong ni Bossing DMB, “Wala kayong closure?”

 

Napangiti lang si Sofia, alanganing tumango o umiling na hindi namin maintindihan ang gustong ipahiwatig.

 

Sabay hirit ni Bossing DMB, “Part two ba ito?” na pinagtakhan naming kung bakit niya nasabi. Kaya nangulit kami, ‘Bakit part two, bossing?’ “Ano ka ba, di ba, ganyan din ang nangyari kina Piolo (Pascual) at KC (Concepcion)? Bigla na lang nawalan ng komunikasyon, ni ha, ni ho, walang explanation.”

 

Ganu’n pala ‘yun, e, teka, baka iba naman ang kuwento nina Sofia at Iñigo kaya kinulit uli namin kung bakit nga ba nawalan na sila ng komunikasyon.

 

Hindi pa rin nagbago ang sagot si Sofia, “Hindi ko po alam, basta’t hindi na lang niya ako kinausap, nothing, biglang nawala na.”

 

Sabi namin, baka busy lang kasi nga may And I Love You So serye ang bagitong aktor with Julia Barretto and Miles Ocampo. Puwede ring sadyang umiwas si Iñigo para hindi magalit o magtampo ang fans nila ng una.

 

Walang reaksiyon si Sofia at parang walang narinig dahil kinakalikot niya ang cellphone niya, habang napapangiti naman ang mommy niya na parang may gustong sabihin.

 

Hirit uli namin kay Sofia, si Diego na ba ang special someone niya ngayon?

“Ay, hindi po, magkaibigan lang talaga kami. Magkakaroon po kasi kami ng movie at teleserye, kami po ang love team,” paliwanag ng dalagita.

 

Hmmm, mukhang sila na ni Diego ang sunod na ipu-push ng ABS-CBN para sumunod sa mga yapak ng KathNiel, LizQuen at JaDine.

 

Tinanong namin ng diretso si Sofia kung mahal pa niya si Iñigo.

“Ha-ha-ha-ha, grabe siya, oh?” nagbirong sagot sa amin.

 

Hindi pa rin namin tinigilan ang batang aktres.

“Wala na po, naka-move on na, puppy love lang siguro,” pag-amin niya.

 

Kay Diego, may nararamdaman ba siya?

“Ay, kaibigan lang po kami talaga, ano lang, mas mature kausap si Diego and masarap siyang kausap.”

 

So, hindi pa mature si Iñigo?

“He’s 18 and Diego is 20,” simpleng sabi ni Sofia.

 

Nanliligaw ba si Diego sa kanya?

“Hindi po, wala namang sinasabi at saka alam naman niya,” sagot ni Sofia.

 

Nakadalaw na ba si Diego sa bahay nila?

“Ay, hindi po, hindi pa at ayaw nina Mama.”

Oo nga naman, wala namang dahilan para pumunta ang batang aktor bahay nina Sofia.

 

Base sa isang panayam kay Iñigo kamakailan, nagkausap na raw sila ni Diego tungkol kay Sofia.

 “Hindi ko po alam, wala naman pong sinasabi sa akin si Diego,” mabilis na sagot ng young actress.

 

Samantala, mariing pinabulaanan ni Sofia ang mga nababasa niyang pahayag ni Iñigo na kapag tinatanong tungkol sa kanya ay parati nitong isinagot na, “We’re okay, we still see each other, etcetera, etcetera.’

 

“Gusto ko nga pong sumagot ng, ‘Hello! Stop saying that, hindi totoo, ‘no!” tila naiiritang sagot ni Sofia.

 

Pero ipinagtatanggol pa rin ng dalagita na mabait at magalang si Iñigo na sinegundahan naman ng mommy ng dalagita.

 

Samantala, nagtapos na ng high school si Sofia noong nakaraang taon at hindi lang siya nakapag-enrol dahil ang gusto niyang kurso ay maging piloto.

 

Sabi namin, kapag nag-aral siya ng pagkapiloto ay mahihinto siya sa showbiz dahil kailangang full time student siya.

 

Samantala, may Maalaala Mo Kaya si Sofia na mapapanood bukas kasama si Dimples Romana tungkol sa buhay ng vice-presidential aspirant na si Cong. Leni Robredo.

(Editor’s note: May unsolicited advice lang ako kina Iñigo at Sofia. Mag-usap kayo, at tapusin ang dapat nang tapusin o ituloy kung may dapat mang ituloy, para ‘di na ito lumaki pa nang lumaki. Prangka lang kaming mag-interbyu, pero ramdam namin na nasasaktan si Sofia. You broke her heart, Iñigo. Pero dinepensahan pa rin kita sa kanya, sinabi kong pagpasensiyahan ka na kasi mas una lang maging responsible at maging mature ang pag-iisip ng babae. Na naunawaan naman niya agad. Pareho naman kayong mga intelihenteng bata, huwag na kayong gumaya sa iba, lalo na’t siguradong magtatagal pa kayo sa business, mas magaan ang trabaho kung walang isyu o nakabiting damdamin.)

(REGGEE BONOAN)