Pinabulaanan ng barangay chairman ng Dasmariñas Village sa Makati City ang ulat ng umano’y serial cat killing sa lugar.

Ayon kay Barangay Dasmariñas Chairman Martin John Pio Arenas, nananatili ang kanilang lugar na pinakamapayapa at pinakamaayos sa buong Metro Manila.

Matatandaang inireklamo ng Dasmariñas Village Association (DVA) ang umano’y sunud-sunod na pagkawala ng 14 na pusa sa lugar simula noong Enero 13, at natagpuang patay ang ilan sa mga ito.

Ayon kay Arenas, isang pusang ligaw lang ang aksidenteng nalason sa likuran ng barangay hall.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, inamin ni Arenas na anim na taon na ang nakararaan ay nagkaroon ng report na may pumapatay ng pusa sa kanilang lugar, ngunit hindi ito napatunayan.

Noong 2008, binanggit ni Arenas na nasapol sa closed circuit television (CCTV) footage ang anak ng mga dayuhan na gumagamit ng airgun na ang bala ay pellets, sa pagpatay ng mga pusang gala ngunit matagal na iyon.

Binalaan umano nila ang mga magulang ng bata, pinagbayad ng danyos at kinumpiska ang mga airgun at mula noon ay wala nang pagpatay sa pusa.

May parusang tatlong taong pagkabilanggo at multang P250,000 ang sinumang magmamalupit sa hayop, batay sa Animal Welfare Act of 1998, na sinusugan ng RA 10631. (Anna Liza Villas-Alavaren)