Mistulang hindi nanggaling sa matinding injury na muntik nang tumapos sa kanyang career ang De La Salle volleyball star na si Ara Galang nang magbalik sa aksiyon para gabayan ang La Salle University kontra Far Eastern U, 29-27, 25-23, 25-20, nitong Miyerkules sa UAAP Season 78 volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagposte si Galang nang kabuuang 10 puntos lahat galing sa hits para sa una niyang opisyal na laro makaraan ang 11 buwang pagpapagaling sa natamong injury sa tuhod noong nakaraang taong semifinals.
“Parang me kulang pa. Pero kasi hindi naman ako nagmamadali, alam kong dadating ako dun (na babalik yung dati kong laro),” pahayag ni Galang.
Nagpapasalamat siya sa kabila ng nangyari ay isinama pa rin siya sa line-up ng Lady Archers.
Walang mababakas na senyales na nagtamo si Galang ng ACL at MCL sa impresibong galaw at diskarte sa court kung saan nag-ambag din siya ng limang dig at limang reception.
“’Yung fear totally wala na,” ayon kay Galang.
“Sabi nga nila psychological lang naman. ‘Yun ang una kong dinevelop. For me 100% na ako.”
“Sobrang happy. Siyempre magagawa ko ulit (ang mga ginagawa) ko and mapapakita ko ulit ang talent ko,” aniya.