Naglaan ang Philippine Sports Commission (PSC) ng kabuuang P2 milyon para gamitin ng Alliance of Boxing Association in the Philippines (ABAP) sa pagpondo sa Pinoy boxers na sasabak sa Olympic qualifying.

Ayon kay PSC Chairman Richie Garcia, inaprubahan ng Board ang naturang halaga para masiguro na masusustinihan ang matinding pagsasanay at paglahok ng mga national boxer sa torneo na may nakalaang slots para sa 2016 Rio Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21.

Unang sasabakan ang Pinoy sa Asia/Oceania Olympic Qualifying sa Marso 23 hanggang Abril 3 sa Qian’an, China kung saan tatlong silya para sa Rio Games ang paglalabanan sa limang weight divisions.

Sunod nito ang Women’s World Championships sa Aztana, Kazakhstan sa Mayo 14-26 na asam ng ABAP na mailusot ang dalawang Pinay tungo sa quadrennial Games.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakatakda ring sumali sa AIBA Pro Boxing at World Series of Boxing sina Charly Suarez at Mark Anthony Barriga sa Mayo 13-22 sa Sofia, Bulgaria, gayundin sa AOB Final Qualifying sa Hunyo 7-19 sa Baku, Azerbaijan.

“We will be sending our best boxers and hopefully we got the best and the luck in the draw,” sabi ni ABAP Executive Director Ed Picson. (ANGIE OREDO)