Idineklarang pinal ng Supreme Court (SC) nitong Martes ang desisyon na tumatangging ilipat sa Olongapo City Jail si United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, na ngayon ay nasa kustodiya ng gobyerno ng Amerika at nakadetine sa Camp Aguinaldo.
Si Pemberton ay kinasuhan ng murder ngunit hinatulang guilty ng homicide sa pagkamatay ng transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Unang iniutos na ikulong si Pemberton sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City. Ngunit binago ng trial court ang kautusan nito at iniutos na ikulong siya sa AFP headquarters sa Quezon City.
Sa press briefing, sinabi ni SC Spokesman Theodore O. Te na pinal na tinanggihan ng Korte Suprema ang kahilingan ng pamilya Laude na ilipat si Pemberton sa isang regular na kulungan.
Sinabi ng SC na hindi nakagawa ng grave abuse of discretion ang Olongapo City Regional Trial Court (RTC) sa desisyon nito noong Nobyembre na ibasura ang plea for transfer.
Sinabi ni Te na inoobliga ng Section 4, Rule 15 ng Rules of Court na ang bawat written motion na kailangang dinggin, kabilang na ang Notice of Hearing, ay dapat maisilbi sa adverse party, tatlong araw bago ang petsa ng pagdinig.
Kasabay nito, sinabi ni Te na ikinonsidera ng SC ang kakulangan ng suporta ng gobyerno sa hakbang ng pamilya Laude na ilipat ng kulungan si Pemberton. (Rey Panaligan)