BUKOD sa simpleng pagbati sa ika-116 na anibersaryo ng Manila Bulletin, ang mensahe ng matataas na lider ng bansa ay nakalundo pa sa isang makabuluhang prinsipyo: Responsable at balanseng pamamahayag. Nangangahulugan na ang mga inilalathalang balita ay kailangang nakabatay sa katotohanan.
Mawalang-galang na sa naturang mga lider, ang kanilang magkakahawig na mensahe ay matagal nang kayakap-yakap ng ating mga kapatid sa media, lalo na ng mga editor ng iba’t ibang pahayagan. Maging ang mga mamamahayag sa iba’t ibang bansa ay nagpapahalaga rin sa gayong prinsipyo ng peryodismo. Katulad natin, sila man ay may matindi ring determinasyon sa pagtatanggol ng press freedom.
Makatuturan ang mga nabanggit na mensahe. Lalo sanang magiging makabuluhan ang mga ito kung ang kinauukulang mga lider ay nagkaroon ng tunay na paninindigan upang pagtibayin ang Freedom on Information Bill (FOI) na mistulang inilibing ng mga mambabatas. Hanggang sa matapos ang sesyon ng Kongreso, ang naturang panukalang-batas, kabilang na ang iba pang bill, ay hindi man lamang sinertipikahan bilang “urgent” ng administrasyon. Maliwanag na kinatatakutan nila ang pagsasabatas ng naturang panukala. At lalong maliwanag na marami silang dapat ilihim sa mapanuring pagbusisi ng mga tauhan ng media.
Dahil dito, lalong lumabnaw ang kahulugan ng administrasyon na ang Pilipinas ay nananatiling matibay na muog ng kalayaan sa pamamahayag. Laging ipinangangalandakan nito na mabuwag na ang mga balakid sa kalayaan ng mga peryodista sa pagsisiwalat ng katotohanan at mga kabulukan na dapat mabatid ng sambayanan. Dangan nga lamang at nananatili pa ring mapanganib ang buhay ng mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang makabayang misyon.
Hindi ito dahilan, kung sabagay, upang ang mga nalulukuban ng tinatawag na Fourth Estate ay manlumo sa kanilang mga tungkulin sa lipunan. Manapa, lalo nating pinag-iibayo ang pagpapahalaga sa tenets of journalism. Hindi alintana ang mga panganib na karaniwang sinusuong ng media men.
Maging ang kamandag ng mga kasong libelo ay hindi nagpabahag ng ating buntot, wika nga. Marami na sa atin ang naharap at mahaharap pa sa mga libel case na isinasampa ng ating mga nasasagasaan sa paglalahad ng katotohanan.
(CELO LAGMAY)