ANO nga ba talaga ang nangyari sa Freedom of Information bill (FOI) bill? Talaga bang tepok na ito? Talaga bang wala nang interes dito ang ating mga opisyal, partikular na ang mga mambabatas? Nasaan ang pangako ni Pangulong Aquino noong nangangampanya pa siya na susuportahan niya ang bill na ito? Napako na ba ang kanyang pangako?

Malaki ang paniwala noon ni Speaker Feliciano Belmonte na maipapasa ang bill na ito sa panahon ni PNoy.

Ipinangangalandakan niya ito. Pero hanggang ngayon na iilang buwan na lamang ang paghilata ng Pangulo sa kanyang puwesto, ni palatandaan ay wala na magiging batas nga ito.

Napakalaking pabor sana sa mga mamamayan ang FOI bill na ito. Napakalaki ng mapapakinabangan sa bill na ito at makababawas sa talamak ngayong kurapsiyon, sapagkat unang-una ay makapipigil ito sa sinumang opisyal ng pamahalaan na makapaglustay sa kaban ng bayan. Malinaw na nakasaad sa Section 28 Article II at Section 7 Article III ng ating Saligang Batas na may karapatan ang mga mamamayan na malaman ang mga transaksiyon na pinapasok ng ating gobyerno.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Karapatan din ng mga mamamayan na malaman ang lahat ng polisiya, project ng pamahalaan at mga programa. Karapatan nilang mabatid ito sapagkat ang mga salaping gagastusin sa mga ito ay pera ng mga mamamayan. Karapatan ng mga mamamayang nagsisipagbayad ng buwis na malaman kung saan ginagastos ang kanilang ibinabayad.

Mahigpit sila sa paniningil ng buwis ay bakit napakahigpit din ng gobyernong ito na ipaalam sa mga nagbabayad kung saan napupunta ang buwis na ikinakaltas sa kanilang sahod?

Malaki sana ang maitutulong ng Kamara para hikayatin si PNoy na aprubahan ang bill na ito sapagkat ito naman ay pangako niya. Pero sapagkat sila rin ang maapektuhan ay inupuan at pinantot ng mga Kinawatan este Kinarawan ang FOI bill.

Tila lahat ng makagiginhawa sa mga mamamayan ay sinasagkaan ng Pangulo. Tinanggihan ang dalawang libong dagdag na pension sa mga pensioner ng SSS at ngayon, binigo pa rin ang mga mamamayan na maging batas ang FOI bill.

Marami tuloy nagtatanong, ano bang klaseng pangulo si Noynoy Aquino? Ang sagot ninyo ay tulad din ng sagot ko.

(ROD SALANDANAN)