BUKOD sa matapang ay prangka rin itong si Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Isa sa ilang babaeng itinuturing na may “balls”, tahasang inihayag ni Carpio-Morales na marami pa ring tiwali at bulok na opisyal ang matatagpuan ngayon sa iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng gobyerno. Kung ganoon, hindi totoo ang pahayag ni PNoy na nasugpo ng kanyang administrasyon ang kurapsiyon at kawalang-hiyaan sa burukrasya na ugat ng paghihirap at kagutuman ng mga Pilipino.

Bilang patunay, sinabi ng matapang at prangkang Ombudsman na libu-libong reklamo tungkol sa graft and corruption ang tinatanggap ng kanyang opisina. Karamihan daw sa mga bagong kaso na inihain sa kanyang tanggapan ay sangkot ang mga lokal na pinuno na may kabuuang 1,092, habang 600 kaso naman ang iniharap laban sa mga opisyal ng pulisya. Bukod sa kanila, nahaharap din sa imbestigasyon ng Ombudsman ang mga pinuno mula sa Armed Forces of the Philippines, Department of Education (DepEd), Department of Finance (DoF), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Justice (DoJ), Department of Agriculture (DA), State Universities and Colleges (SUCs), Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail and Management (BJMP).

Bakit hindi yata nabanggit ng Ombudsman ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na kamakailan ay katakut-takot na eskandalo tungkol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ang lumutang sa publiko? Maraming senador at kongresista ang binanggit na sangkot dito, pero tatlong senador lang ang naipakulong.

Medyo, kakaiba sa mga mambabatas itong si Manila 1st District Rep. Benjamin “Atong” Asilo na kandidato sa pagka-Vice Mayor ng Maynila. Dahil maraming dukha na hindi makapagpalibing ng mga mahal sa buhay, nais niyang ibalik ang libreng serbisyo ng diesel-fed smoke emission free crematorium na kanyang ibinigay sa lungsod noong 2008.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nais din niyang isulong ang modernisasyon ng Manila North Cemetery na pinakamalaking sementeryo at pinakapopular dahil dito nakahimlay ang mga sikat na personalidad ng bansa.

Ang pagkakaloob niya ng makina sa crematorium ay bahagi ng kanyang pagtulong hindi lamang sa mga mahihirap na residente ng Tondo 1 kundi maging sa mamamayan ng siyudad na hindi makaya ang mataas na gastusin sa cremation para sa kanilang mga yumao.

Magugunita na ang makina na gamit ang teknolohiya ng South Korea sa crematorium ay pinondohan ng kanyang tanggapan noong 2008. Maaaring gamitin ng 24 oras at makapagki-cremate ng isang labi sa loob ng 45 minoto lang.

“Kailangang ipagkaloob sa mamamayan ang pinakamahusay na serbisyo at alisin ang palakasan dahil ang crematorium ay para sa lahat, laluna sa mahihirap na pamilya,” pahayag ng Pambato ng Tondo. Marami raw reklamo sa paniningil sa operasyon ng crematorium. Aba, Madam Carpio-Morales, pati pala sa crematorium ay umiiral din ang gawaing tiwali at nakasusuka ng mga opisyal.

Kung ang mga pinuno ng gobyerno ay katulad lamang ni Cong Atong, baka sakaling umunlad ang Pilipinas, mapaparam ang kurapsiyon at pananamantala. (BERT DE GUZMAN)