Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patawan ng parusa ang driver ng Joanna Jesh Transport Corporation matapos araruhin ang nakahilerang plastic barrier sa bahagi ng southbound EDSA nitong Lunes.
Mismong si MMDA Chairman Emerson Carlos ang nanawagan sa LTFRB na patawan ng kaukulang parusa hindi lamang ang bus driver na si Ruel Labin, kundi maging ang operator ng naturang bus company.
Dakong 3:01 ng hapon nitong Lunes, minamaneho ni Labin ang bus na may plakang TYR-744 nang makunan ng dash cam ng isang motorista habang nakikipagkarera umano sa isa pang pampasaherong bus sa EDSA.
Matapos ang ilang segundo ay nagkagitgitan ang dalawang bus, kaya pumaling ang sasakyan ni Labin pakaliwa at inararo ang nakahilerang plastic barrier na nagkakahalaga ng P3,500 bawat isa.
Muntik ding pagmulan ng karambola ang mga nagtalsikang barrier nang bumalandra ito sa gitna ng kalsada habang dumaraan ang mga sasakyan. (Bella Gamotea)